Heto na naman po kami, naghahanap ng kaunting ligaya…

 

Alam niyo ba na sa Dabaw ay nag-go-going out of their minds ang mga tatay at nanay sa mga munisipyo ng Panabo, Nabunturan, Sto. Tomas, New Corella, Monkayo, at ilan pa dahil mayroong mga reports namay kinikidnap na mga bata na ginagamit na sakripisyo sa mga “Satanic rituals”?

 

Ayon sa ulat ni kaibigang Carolyn Arguillas, mayroon daw walong bata na natagpuan sa isang natuyuang balon. Bukas daw ang mga dibdib nila at hindi raw matagpuan ang kanilang mga puso. Pero itong ulat na ito ay paulit-ulitna pinabulaanan ng local police chief na si Lt. Ignacio Kabingue at ang Provincial Commander na si Lt. Col. Nelson Estares.

 

“These are just rumors,” sabi pa nila.

 

 

 

Ngunit ang problema ay walang naniniwala sa kanila. Sa Sampao Elementary School lang sa baranggay Bienvenida ay mahigit kumulang  na 143 lamang sa 430 istudyanteng naka-enroll ang pumapasok, ayon sa report ni OIC Principal Merdonita Palero.

 

Nangangamba si Palero na baka bumaba sa isang daan ang pumasok sa paaralan niya bago matapos ang linggo.

 

Ang mga natitirang pumapasok na istudyante naman ay hatid-sundo ng mga magulang at ang lahat ay may suot na rosaryo para hindi makalapit ang mga “satanic forces.”

 

Ano naman ang naging solusyon ng militar? Sabi naman ng Davao MetroDisCom Chief na si Lt. Col. Franco Calida, ama ng Alsa Masa, na kagagawan daw ng CPP-NPA ang multo-multuhan para hindi makapag-concentrate ang Armed Forces sa counter-insurgency.

 

Aha! Sabi na ngaba na ang mga “godless communists” na iyan ang nagmu-multo eh. Ha, ha, ha. Pero, teka muna, hindi ba’t kasasabi lamang ni dating EDSA Hero at ngayo’y senador na si Juan Ponce Enrile na “We are surrounded”?

 

Napapaligiran na raw ang Maynila ng mga komunista, at sa siyudad mismo ay nagkalat ang mga komunista. Maaari mo nga silang makatapat sa beerhouse, sinehan at Faces Disco.

 

Kung ipagpapatuloy natin ang lohika (logic) ni Col. Calida: “godless communists” = “multo sa kapaligiran”, ang tanging makukuha natin ay napapaligiran na rin tayo ng napakaraming multo, aswang, bakulaw, bampira at iba pang sumisipsip ng mga dugo ng kapwa Pilipino (maraming nagsasabi na marami nga raw nito sa BIR, Public Works at PCGG).

 

Na-intrigakami ruon at bumuo ang ISTUDYANTE ng isang investigative team na magta-tanong-tanong kung mayroong ngang mga multo sa ating paligid. Dahil napakalaki nga ng Maynila, napag-pasyahang sa España na lang muna kami maghanap ng multo.

 

Heto na nga kami, Huwebes ng gabi. Naglalakad sa loob ng UST. Naghahanap ng multo.

 

Kasama namin si Johnny Valencia, 25, isang jaguar (guwardiya, hangal!) na dating naka-destino sa Medicine Building.

 

“AaahhhAAAhhhaaahh!”

 

“Ano ‘yun!?”, sabi ko. Dinig na dinig ko ang tili ng isang babae. Mahina nga ngunit dinig na dinig.

 

“Tili nga ‘yun,” sabi ni Johnny. “Sabi ko sa iyo eh, maraming multo talaga rito.” Pina-ikot-ikot pa niya ang kanyang batuta sa tali, ‘kala mo hindi natatakot.

 

Popular nga raw na tambayan ng multo itong Medicine Building ng Uste. Marami raw kasing bangkay sa fourth floor na pinagpa-praktisan ng mga magiging duktor.

 

Tagung-tago ang gusaling ito. Sa harap ay mga naglalakihang puno ng balite (paboritong puno ng mga kapre at iba pang multo) na halos tumatakip sa buong building. Nag-iisang sikyu lamang si Johnny V sa buong gusali.

 

Views - Ghost Hunting sa España 03

 

Kuwento ni Johnny: “Isang gabinoong nakaraang Hunyo lamang, umakyat ako para patayin ang mga ilaw. Kahit sarado na ang mga pintuan ng kuwartong kinalalagyan ng mga bangkay, kinikilabutan pa rin ako. Nang patayin ko ang ilaw, biglang mga bumuga sa akin ng hangin. Binuksan ko kaagad ang ilaw. Wala. Nang patayin ko uli, may bumuga na naman. Hindi ko makuhang buksan ang ilaw uli at tumakbo na lang ako pababa.”

 

Mula nuon ay sadya ng nag-luko sa trabaho si Johnny. Nagpapa-pasok siya ng outsider, hindi na siya nagro-ronda – lahat ginawa niya para lang ma-transfer siya.

 

Na-destino na rin siya sa Fine Arts building at maaga-aga na rin ang uwi niya.

 

Marami ring umusbong na mga kuwento tungkol sa Education Building. Ayon sa isang tinderang nagra-rasyon ng tanghalian, meryenda at hapunan sa mga teachers, tutoong may nagmu-multo sa gusaling iyon.Nagpakilala ang tindera bilang Aling Conchita o si Manang.

 

Views - Ghost Hunting sa España 02

 

Noon daw 1983, nang El Toro Security Agency pa at hindi Vikings ang may hawak sa UST, ay may kaibigan siyang matalik na security guard. Isang umaga raw na walang pasok sa gusaling iyon, may isang babaeng nakaputi ang naki-usap sa sikyu sa gate. Makiki-ihi lamang daw siya sa loob ng building. Sa buong araw na pagbabantay ng guwardiya, hindi na lumabas ang babaing iyon. Siniyasat nila ang buong gusali. Wala.

 

Sa building din na iyon, si Jun Ramirez, Viking Security guard na limang araw pa lamang nagbabantay, ay nagsabing nagtilian ang huling klase sa building dahil nakakita raw sila ng paldang lumalakad.

 

Music class daw iyon at kasalukuyan silang nag-eensayo nang sa may pintuan ay may nakita silang paldang nagdaan. Babae ang nasa isip ng mga bebot sa kuwarto. Sa kanilang pagka-bigla nang sundan nila ito ay nakita nilang walang taong nakasuot sa palda at kusa itong lumalakad.

 

Si Erland Macato naman ay ‘di na natatakot sa mga multo. “Nasanay na rin siguro,” ang sagot niya ng usisain namin siya kung bakit. Nagsimula raw siyang maging security guard noon lamang Abril ng taong ito. Kinuha siya ng Island Cement bilang bantay na pang-gabi sa gate ng pabrika sa Antipolo.

 

Views - Ghost Hunting sa España 01

 

Naka-dikit ang gate sa may bundok. Maraming naglalakihang mga puno. Minsan Daw eh naisara niya ng lahat ng mga kandado. Naka-idlip na rin daw siya ng kaunti. Nang buksan niya ang kanyang mga mata, nakita niya sa puno ang isang nakakatakot na tanawin – babaeng nakabitin at humihingi ng tulong, batang umiiyak at kung anu-ano pa.

 

Hindi siya nagtagal sa kumpanyang iyon pagkat inilipat siya sa UST CAFA Building. Magkasama na sila ngayon ng ating kaibigang si Johnny V.

 

 

 

Junephrey Ocampo (PLM), at Jonnie Anzures (PUP)

(August 22 – 28, 1988, Focus, Page 10)