Kawawa naman si Zuma. Pagkatapos aliwin ang milyun-milyong Pilipino sa loob ng ilang taon ay ‘di man lamang makalabas ng lungga dahil wala na raw makitang birhen sa kalye (para sa ‘si naka-aalam: ang kinakain lamang ni Zuma ay sariwang puso ng birhen).

 

Views - Kamusta Ka Zuma 01

 

Kundangan naman at bakit sa Ermita pa niya naisipang mag-hibernate. Paano naman si Maruja, na nag-ambisyong maging ala-Sleeping Beauty – ang drama niya. Ipe, habulin si Rose Rosal at baka maremedyuhan pa ‘yang leeg mo. Si Bakekang, malungkot rin at nahigitan na ni Zorayda at Pwhitney Tyson.

 

‘Di bale, malimutan man sila ay may isang libo pang mga karakter: tao, halimaw, hayop at superhero na binubuhay araw-araw sa iba’t-ibang bahay, barberya, opisina, at parentahan ng komiks.

 

Maraming nagsasabi na malaking kagaguhan ang komiks, na puro maling aral at ideya ang inihahatid nito, na napipigil nito ang pagbabasa ng tunay na libro. Ngunit marami rin namang nagsasaad na may malaking tulong na idinudulot ito.

 

 

HISTURI

 

Sino bang alagad ni Batman ang nagpa-uso ng komiks?

 

Hindi pa ‘ata natututong mag-pantalon ang tatay ko ay mayroon na nito. Ang sabi nga ng lolo ko, si tatay raw ay ipinaglihi ng lola kay Kenkoy. Iyon bang karakter na nilikha ni Antonio S. Velasquez, ang Ama ng Komiks na Tagalog.

 

Views - Kamusta Ka Zuma 02

 

Sinasabing si Dr. Jose Rizal daw ang kauna-unahang nagpa-uso ng cartoon sa Pilipinas. Isinalarawan niya ang tanyag na pabulang “The Monkey and The Tortoise” na noong 1889 ay napalathala sa London.

 

Ngunit ang komiks ay pormal na nagsimula noong 1926 sa pamamagitan ni Antonio S. Velasquez. Sa pakikipag-tulungan niya kay Romualdo Ramos, nabuhay si Kenkoy. Una itong lumabas sa isyu ng Liwayway noong Enero 11, 1929. Sa kasaysayan ng lokal na komiks, ito ang itinuturing na kauna-unahang cartoon strip na na-serialize. Naging hit si Kenkoy. Ang kanyang mga ekspresyong “okedowk”, “weitaminit” at “nating duwing” ay naging bukambibig ng masang Pinoy.

 

Subalit ang kanilang katanyagan ay sinira ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Naipasarang lahat ang publikasyon sa bansa at ang Liwayway ay sumailalim sa administrasyon ng mga Hapon. Muli silang nagbalik nang mapalayas na ng mga ‘Kano ang mga Hapon sa Pilipinas noong 1945.

 

Views - Kamusta Ka Zuma 03

 

Ngunit sa mga panahong ito, kinailangang makipag-kompetensya sila sa mga comic books na dala ng mga Puti. Ito, at ang kawawang lagay ng bansa noon ang naging dahilan upang malikha ang kauna-unahang komik book sa Pilipinas, ang Halakhak. Ngunit hindi ito nagtagal. Kaya’t noong Mayo 27, 1947, itinatag nina Don Ramon Roces at Tony Velasquez ang Ace Publications upang mag-limbag ng mga magasing komiks. Noon sumilang ang Pilipino Komiks na buhay pa rin hanggang ngayon.

 

Sa halagang biente singko sentimos, pumatok ito sa masa. Nagsimula na ring magsulputang parang kabute ang iba’t-ibang publikasyon na naglalathala ng komiks.

 

Sa kasalukuyan, patuloy sa pagdami ang bilang ng mga publikasyong ito. Paramihan ng dami ng titulo ng komiks ang bawat isa. Nangunguna na ang Graphic Arts Services Incorporated (GASI) na naglalabas ng 24 na pamagat tulad ng Aliwan, Lovelife, Pinoy, Kilabot, atbp.

 

 

 

Junephrey Ocampo (PLM), Raquel Gocuyo at Michael Coroza (UST)

 

May karagdagang ulat mula kina Irwin Corpuz (NEC) at Jonnie Anzures (PUP)

 

Istudyante Magazine (June 20 – 26, 1988, Focus, Page 11)